purple proses that melts in the untamed rebel's mouth and the nuts inside her head.
10.21.2004
Tatlo
Foreword: My first attempt to write a "short story" na naging mala-Xerex Xaviera dahil naging parang series...
"Tatlo"
Friendster...
Kasalukuyan kong tinitingnan kung sinu-sino sa mga naiwang kaibigan at kakilala ang meron ng account sa Friendster, 'kako makabalita man lamang... Nakita ko marami na sila, maimbita nga... Nang makita ko at mabasa ang profile ng aking naging kaaway noon sa sekondarya... Naalala kong bigla naging kami pala... Hahaha! Tatlong araw... Tatlong araw kaming magkabati, tatlong taon kaming magkaaway...
Pagbabalik-tanaw...
Nasa ika-anim na baitang ako sa elementarya nang lumipat ako ng paaralan. Noon ko siya unang nakilala. 'Di ko siya kaklase, simpleng kaeskwela lang. Libangan na niyang ako ay tuksuhin sa kaklase niyang si Mark, may crush daw kasi sa akin. 'Di ko naman pansin, ano ba ang malay ko sa crush-crush na iyan, ambata-bata ko pa. Linggo, nagkasabay kaming tatlo sa simbahan nang 'di inaasahan. Kasama ni Mark noon ang kanyang Mama at mga kapatid, ako naman, kuya ko, pero nandun siya sa sakristiya, siya naman ay mag-isa. Walanghiya! Sa sobrang kamalasan ko, pareho kaming naka-stripes na orange at grey doon sa hulihan ng simbahan malapit sa labasan. Dadalawa rin lang kami sa upuan, ayaw kasing makitabi ni Mark gawa ng tutuksuhin kami panigurado nung kaklase niyang iyon.
Hayskul nang ang simple niyang panunukso ay nauwi sa pang-aasar, klasmeyt ko na siya noon. 'Di makukumpleto ang isang asignatura nang 'di kami nagbabangayang dalawa. Natutukso tuloy na magkakatuluyan kami balang-araw, pwe! Hitsura niya! Daig pa daw namin ang mga aso't pusa sabi nila, isang araw nabugbog ko pa siya... tsk, tsk, tsk... Nasa ikatlong taon kami noon nang matigil ang aming alitan, "truce" kumbaga... Nanligaw siya sa isang kakilala, tinulungan ko pa siya. Tuwing gabi ako ang taga-katok sa pinto nitong bahay ni babae...
"Good evening po, naandiyan po ba si ______? Maaari po siyang makausap?"
'Pag nasa bahay ang mga magulang ni babae, sasandali silang mag-uusap sa dilim, ako ang look-out. 'Pag ala naman, pumapanhik kami ng bahay, mag-uusap sila sa sala habang nanonood ako ng cartoons sa TV. 'Di naglaon naging sila, pero 'di rin nagtagal, ilang buwan lang, nag-break din sila... Ang siste, nabisto na magkasintahan sila at ayaw ng pamilya ni babae keh lalaki. Doon sa kantina sa harap ng mainit na lugaw at malamig na Coke sila nagpaalam sa isa't isa. Andun ulit ako. Umiyak silang dalawa, nakiiyak din ako... Kakapanghinayang kasi eh! Biro mo si Kulas bumait dahil kay babae... paniguradong bukas-makalawa, asaran na naman ito... sa isip-isip ko... Pero okay lang, sanay na ako. Laking pagtataka ko ng lumipas ang isang buwan na 'di pa rin niya ako inaasar... Mukhang nagbago na talaga ang unggoy...
>>>
Marso 13, katatapos lang namin magpintura ng pader, lumapit siya sa akin, "Tingnan mo nga itong karikaturang ginawa ko, maganda ba?" tanong niya.
"Cute naman" ang tugon ko.
"Ito ang ilalagay kong mural sa pader ng grupo namin. Ikaw, ano sa inyo?" Pinakita ko ang abstrakto na balak ilagay ng grupo. "Ano kaya kung maging tayo?" kanyang turan habang nakatingin sa papel. Napamaang ako siyempre pa. Maging kami? Nasisiraan na ba 'tong tsonggong 'to?
"Ano ka ba. bata pa ako, tsaka ngayon lang tayo nagkasundo at nagsisimulang maging close." Sagot ko na lang. Rasonan ba naman akong bata pa rin naman siya at ang ex niya. Napakamot ako sa ulo at napaisip, oo nga pala, magkaka-batch nga pala kami... Tinanong ko na lang sa kanya kung nasobrahan ba kasisinghot niya ng pintura at namanhid utak niya. Bakit niya naisipan itanong 'yun? Malamang nangi-stir lang siya at nais lang akong i-good time. Seryoso daw siya sa tanong niya, sa totoo lang daw kasi gusto na niya ako noon pang Grade 6 kami. Nagpapapansin lang daw siya kaya niya ako tinutukso lagi, 'yun namang pang-aasar niya, 'di rin naman daw sadya, 'di lang daw talaga niya alam kung paano ako pakikitunguhan kasi napakasuplada ko raw, pilosopa, at haragan, 'di gaya nung ibang babae sa campus. "Ganun?!" pa-kupal kong sagot, pero sa totoo lang kinakabahan ako kasi noon ko lang siya nakausap ng seryoso, madalas kasi nagsisikmatan kami, noon namang tulungan ko siya sa panliligaw 'di rin siya gaanong naimik, puros salamat lang ang nalabas sa bibig.
"Oh ayan hah, inamin ko na sa'yong crush kita, crush mo rin naman ako 'di ba?" Ano daw? Pakiulit? Natulig ata ako doon ah... Nalaglag ang panga ko sa pagtataka. Tiningnan ko siya, nakangiti, hindi ngising-kabayo, genuine. Kinilabutan ako, mukhang sinsero sa pinagsasabi niya (pwera syempre dun sa parteng crush ko siya).
"Ahh... Uhmm... Ano ba mangyayari 'pag naging tayo?" Ano'ng sinabi ko? Bakit 'yun ang lumabas sa mga labi ko?
"Eh 'di 'yung usual na ginagawa ng mag-boypren, ihahatid kita pauwi sa bahay ninyo, kakain tayo sa kantina nang sabay, tulungan sa homeworks at projects, ganun..."
"Ganun lang? Walang HHWW? (holding hands while walking)" Sigurista ako noh!
"Kung ayaw mo 'di wala... Ganun lang." Hmmmnnn... Parang ang simple lang...
"Sige!"
"Halika ihahatid na kita pauwi." Lumabas kaming magka-agapay sa gate ng aming paaralan, pumara siya ng tricycle at inihatid niya ako hanggang sa gate ng aming bahay. Kinagabihan 'di ako mapalagay, gusto ko nang hilahin ang bukas, babawiin ko ang sinabi ko, mali eh!
Kinabukasan, hinanap ko siya kaagad, 'di ko siya mahagilap. Mag-uuwian na nang makasalubong ko siya, kasama niya sila kuya. Patay na!
"'Ne, pag-uwi mo sabihin mo kina tita nagpunta ako kina kuya Neil, nagpapatulong mag-assemble ng mga PC at PS sa bubuksan niyang computer shop eh!" bati ni kuya.
"Ah, oh sige! Penge pamasahe." Tiningnan niya ako at nginitian, 'di ko nagawang suklian. Buwisit! Mag-aantay na lang ulit ako ng bukas.
>>>
March 15, CAT Presentation of the Sponsors, isa ako sa mga first-aiders, siya naman COLT (Cadet Officer Leadership Trainee), utusan at photographer ng mga opisyal sa brigada at unang batalyon. Masyado kaming abala pareho. Nagliligpit na kami nang lapitan niya ako sa booth namin. Nakitulong siya sa pagbubuhat ng mga upuan. Isinasalansan namin ang mga upuan sa loob ng gymnasium nang magbukas ako ng usapan. "Nagbibiruan lang tayo nung isang araw 'di ba?" Napamaang siya. "Hindi mo naman siguro sineryoso 'yung mga sagot ko?" Tinitigan lang niya ako, 'di siya nagsalita. Shit! Kagagahan ko talaga oo! 'Di ko siya matingnan nang tuwid, nakokonsensiya ako... Kung bakit ba naman kasi ganun ang naisagot ko noong isang araw eh! Epekto siguro ng pintura...
"Nagbibiro din ako." Pucha! Anlamig nang boses niya, gininaw ako sa sagot niya. 'Di na ulit kami nag-usap hanggang magbakasyon.
>>>
Bakasyon, Summer Bridge Program ng UP LAWOD Ugnayan ng Pahinungod sa paaralan namin. Umattend kami sampu ng aming mga ka-eskwela na ga-gradweyt nang taong iyon. Ewan kung nagpapa-cute siya o talagang umiral lang ang katamaran niya, ipinakilagay niya sa backpack ko ang Mathematics Manual Reviewer niya at notebook, nakipag-kompromiso pa na ise-share niya ang kanyang Mathematics Manual Reviewer kung ise-share ko ang aking English Manual Reviewer sa kanya. Limitado lang kasi ang bilang ng mga manuals sa English at Math, sa Science naman, photocopies lang ang dinistribute pero hati pa rin, napunta sa'kin ang Astronomy, Health Science, Earth Science, at Biology, kanya ang Chemistry at Physics, kaya ang siste, share ulit kami. Wala namang problema sa akin, buti nga iyon may taga-bitbit ako ng bag. Maayos na ulit ang pakikiyungo niya sa akin, 'di na malamig. Nagbibiruan na kami. Minsan kahit bag na pambabae ang dala ko siya pa rin ang nagbibitbit, wala siyang kiber sa tingin ng iba. Minsan pa nga hinalungkat niya ang bag ko at ginamit ang suklay ko at hairband, tawa ako ng tawa noon, hiniling pa niya sa akin na kung maaari ko daw ba siyang lagyan ng cutex sa kuko at kung meron akong pressed-powder at lipstick gaya ng ibang kaklase namin ay dalhin ko rin daw. Kahit na nagtataas ang isa kong kilay pinagbigyan ko siya, kinulayan ko ng itim ang mga kuko niya sa kamay, nilagyan ko ng lipstick ang talukap ng kanyang mga mata at pisngi (siya na kasi ang naglagay sa kanyang mga labi), noon ko napansin cute naman pala siya. Kumakain kami noon ng Piattos sa mini park ng campus, nakade-kwatro siya na parang babae at nagkukwento ng kung anu-anong kalokohan habang ako naman ay tawa ng tawa sa mga kwentong-kuchero niya at hitsura niya nang bigla siyang tumuwid sa pagkakaupo at sinabi niya sa aking nagagalak siyang malaman na napapatawa niya ako. Nakakaaliw daw akong pagmasdan at pakinggan habang tumatawa dahil nawawala ang aking mga mata at mayroong kung ano daw sa aking mga tawa na napakasarap sa tenga. Tulad noon, 'di ko dinibdib ang mga sinabi niya. Patapos na ang SBP nang alukin ako ni Tempo (temporary Corps Commander) na maging sponsor niya, umoo naman ako. Kinabukasan, nawala ang manual reviewer namin sa Math, siyempre ako ang sinisi niya. Burara daw ako. Nagsimula na naman ang pang-iinis niya sa akin...
>>>
Nakahanda na ako sa pang-iinis na gagawin niya sa akin... Pero 'di ko napaghandaan ang below the belt na pag-atake niya. Bisperas ng huling araw ng SBP namin, mayroong kauinting programa at harutan, kasalukuyan kaming nagbabatuhang lahat (kasama ang mga UP students-SBP facilitators na alumni ng aming paaralan) ng lobo na mayroong tubig sa loob nang bigla niya akong batuhin ng condom na may "leche", buti na lamang at nakaiwas ako, tumama sa sanga ang ibinato niyang yaon, siyempre pa nabutas, pucha ambaho! Ganun pala ang amoy noon, nakakarinde! Nagdilim ang paningin ko at hinabol ko siya, pinicharahan at tinutukan ng beinte-nueve nang maabutan. "Putangina! Ambabait ng mga magulang mong hayup ka napakabalasubas mo!"
"Baka itulak ka ng demonyo, masaksak mo ako, biro lang."
"Ngingisi-ngisi ka pa! Pakiusapan mo ang kapwa mo na huwag akong itulak!" Walang umawat sa amin noon, lahat natuod sa bilis ng pangyayari. Binitiwan ko rin siya nang mareyalisa kong hindi dugo niya ang katapat ng buhay ko sa bilangguan.
>>>
Pasukan. Magkikita at magkikita kami, magsasalpukan at magsasalpukan pa rin kami, pero 'di ko siya papansinin. Sabi ko sa aking sarili. Kumandidato siya pagka-senador sa Pinakamataas na Pamunuan ng mga Mag-aaral sa aming paaralan, ka-tiket siya ng malapit kong kaibigan na kumakandidato naman bilang presidente, ako ang kanilang campaign manager. Civil lang kami sa isa't isa, bad publicity kung mag-aaway kami ng mga oras na iyon dahil nga eleksyon. Nanalo ang aming presidente, natalo siya. Sa victory party inanunsiyo ng bagong-halal na presidente ang magiging miyembro ng kanyang kabinete, kasama kami sa listahan. Napabuntonhininga ako, magkakasama pa rin kami sa mga proyekto...
Kinalunesan, bumalik kaming dalawa sa Guidance Office pagkatapos ng dalawang-taong pahinga sa pagpasok doon araw-araw noong kami ay nasa unang taon, ang dahilan, fraternity. Noon pa isyu ang fraternities sa paaralan, lumala lang noong nasa ikaapat na taon na kami dahil ang frat ay para ng naging gang. Ipinatawag ng Guidance Counselor ang lahat ng mga estudyante na kasali sa frat at ang kanilang mga magulang. Hindi ako kasapi ng anumang kapatiran pero marami akong mga kabatak mula sa iba't ibang fraternities, nandoon ako sa kuwartong iyon para lamang mag-usyoso heheheh! Hindi biro lang... Nandoon ako dahil alam ng mga guro na halos lahat ng mga kaibigan ko ay frat members at dahil mula sa iba't ibang kapatiran, ang iba ay magkakaaway, minsan na akong umawat sa mga kaibigan ko kasi, tagapamagitan ako kumbaga. Doon nakita ko na naman siyang umiyak. Hindi ko alam kung dahil sa natauhan siya sa sinabi ng Guidance Counselor at Principal o dahil hindi siya sinipot ng kanyang mga magulang, na kapagtataka dahil guro sa paaralan namin ang kanyang ina.
>>>
Lumipas ang ilang buwan, siya na naman ang naging tampulan ng chismis. Nahuli daw siya at ang bago niyang girlfriend na nagse-sex sa swimming pool ng paaralan. Present na naman ako noong magbreak silang dalawa. Iniyakan ako ni babae noon ng iniyakan, nanay daw ni lalaki ang nagkalat ng chismis dahil ayaw sa kanya, mayroong kasing alitan ang tita ni babae at nanay ni lalaki na parehong titser sa aming paaralan. At may reputasyon itong si babae na "playgirl" at "easy to get". Kung alam lang niya na kaya lang siya ginelpren ni lalaki ay para lamang matikman siya, ni hindi nga natigatig si lalaki nung humagulhol siya eh!
Sembreak ng mga college alumni, natapat sa screening ng mga sponsors. Buti na lang! May magchi-cheer sa akin! Iinterbyuhin na kami at bibigyan ng ranggo kasabay ng mga opisyal. Nasa snackhouse kami ng mga kabarkada ni kuya, dumating siya kasama ng isang kaklase, nang-iintriga.
"Pare, usap-usapan sa loob si Sue daw magiging sponsor mo."
"Magku-quit ako sa pagiging officer 'pag nangyari 'yun. Kahit pa ako ang maging Provost Marshall."
'Di ko malaman kung maiinis ako o matatawa sa kanya, ang payat-payat kaya niya para maging Provost Marshall. Pero mabilis ang mga kasama ko, tinabla siya kaagad. "Masyado pang maaga para managinip ka totoy, o baka naman gusto mong patulugin ka namin?" 'Di siya naka-ik, anlaking tao kaya nung nanabla sa kanya, dumating pa ang ex-COCC, kaya umalis na lang siya. Pagkatapos ng sembreak sa akin siya gumanti, tahimik akong nakaupo sa "batibot" (sementadong upuan na nakapalibot sa puno) kasama ng ilang kaklase nang bigla niya akong sinigawan, "Huwag ka nang magma- linis Sue, natira ka na Bagumbayan!" 'Di ko malaman kung magre-retaliate ako, gusto ko pero nangingi- nig ang buong katawan ko sa sobrang galit, ramdam ko ang pamumula ko mula bumbunan ahnggang talampakan pati na ang pangangapal at pag-iinit ng aking mga pisngi dahil sa galit at pagkapahiya. Nang mga oras na yaon sukdol hanggang langit ang nararamdaman kong pagkamuhi para sa kanya. Kinabukasan umugong ang mga balita, binugbog siya ng ilang mga frat members na kabatak ko. Nadinig kasi nila ang isinigaw niyang iyon na nakakababa ng dignidad at pagkatao. Si Jaylourd pa naman na kasalukuyang presidente ng Alpha Kappa Rho ay matindi ang pagpapahalaga sa mga kababaihan. Hindi takot sa kamatayan ang taong iyon at walang inaat- rasang laban, isa lang ang kahinaan niya, kung kahinaan mang maituturing, malambot ang puso niya sa mga babae. Mula noon sa mga tenga ko na lamang niya pinaririnig ang mga masasakit at malalaswang salita niya.
>>>
Christmas break noon, niyaya siya ni kuya sa bahay kasama ng ilang kaklase at ka-batch namin para maglaro ng playstation. Ginabi na sila sa bahay, doon na sila naghapunan. Bandang alas-diyes nang tawagan ni kuya ang nanay niya para ipagpaalam na doon magpapalipas ng gabi ang kanyang anak. Naging estudyante ng nanay niya si kuya, pati kami, at tiwala ito sa amin. Kinaumagahan, hindi pa natutuyo ang hamog sa mga halaman ay umalis na siya. Kahit na nagtataka ako kung bakit para siyang nagmamadali eh binuksan ko pa rin ang gate namin nang hindi nag-uurirat. Nag-aalmusal kami ng malaman ko ang dahilan, ka-share pala niya sa kwarto ang isang baklang kaibigan. Loko talaga si kuya! Kaya pala nanlalalim ang mga mata nitong si Kulas at nangngalumata! Kawawang Kulas...
Patapos na ang taon nang ipinatawag ako ng nanay niya. Nabalitaan daw na ang kanyang anak at ilan pa naming mga ka-batch ay nanonood ng adult videos, itatanong lang daw niya kung may alam ako dahil lagi nang nasa bahay sila. Kahit pa totoong nanonood sila sa bahay pagkaminsan ay pinahindian ko, 'kako laro lang ng playstation ipinupunta nila sa bahay. Tiningnan ako ng tuwid sa mga mata ng nanay niya, inaaninag marahil kung totoo ng sinasabi ko, kahit nako-konsensiya, pinilit kong tingnan din siya ng tuwid. Naniwala naman siguro dahil sinabi niya, "Sue, ikaw na ang bahala sa anak ko hah" pagkatapos. Nabingi ako at tumango na lang kahit 'di ko lubos na naintindihan ang sinabi niyang iyon...
>>>
Bakasyon. Prusisyon noon, at sa gitna ng ng mga santo't kandila, ako'y kanyang ipinahiya. Para na raw akong inahing baboy sa laki ng aking hinaharap. Hah!
Tatlong taon ang matuling lumipas. Sa tatlong taon na iyon, wala kaming komunikasyon... Natural, sa Maynila ako nag-aral at siya naman ay sa Legaspi City, akala ko 'di na muling magku-krus ang aming mga landas, pero palabiro talaga ang tadhana.
Nobyembre 3, kaarawan niya. Nagkasabay kami sa lantsa patungong Pilar, Sorsogon. Papunta akong Albay noon para makipag-business meeting at plano kong umuwi rin sa amin kinahapunan, hahabulin ko ang huling biyahe ng mga lantsa. Nagkatabi kami sa upuan. Binati niya ako at kinumusta, ganun din ang ginawa ko. Hindi siya humingi ng tawad sa mga pinagsasabi niya noon, basta na lamang siya nakipaghuntahan sa akin. Wala namang kaso sa akin 'yun. Nabanggit ko sa kanyang hindi ako marunong sa pasikut-sikot ng Legaspi at Albay kaya tinanong ko siya ng mga direksyon at kung anong dyip ang sasakyan ko para makarating sa pupuntahan ko.
"Kung gusto mo sasamahan na lang kita," aniya. Hmmmnn... Mas mabuti 'yun... naisip ko kaya umoo ako.
Dumaan muna kami sa apartment na tinutuluyan nilang mag-kuya bago niya ako sinamahan gaya ng sinabi niya. Alas-tres ng hapon, muli niya akong hinatid patungong Pilar, Sorsogon, medyo umuulan na noon. Malakas na ang ulan at hangin nang makarating kami sa piyer ng Pilar at wala na ring lantsang bi-biyahe patungo sa amin dahil sa lakas ng hangin. Mayroong maaaring arkilahin pero bukod sa triple ang presyo ay maliliit pa ang mga katig ng bangkang iyon kaya hindi na lamang ako tumuloy. Bumiyahe kaming dalawa pabalik ng Legaspi, inalok niyang doon na lamang ako magpalipas ng gabi sa apartment nila. Maaari akong umupa na lamang ng silid sa mga otel pero sumang-ayon na rin ako na dumoon sa kanila, makakatipid pa ako.
Pagdating namin sa apartment nila, inabutan namin ang mga kaibigan niya at ng kanyang kapatid na naghahanda ng hapag upang ipagdiwang ang kanyang kaarawan. Nakahanda na rin ang mga kaha ng serbesa at sigarilyo. Mapapasubo pa ako ng inuman nito. Maya-maya dumating ang bestfriend ng kapatid niya na si Aiza, na ka-share din nila sa apartment, kasama ang bestfriend ko na boyfriend niya. Magdamag kaming nag-inuman, at syempre 'di maiiwasan ang tuksuhan.
"Ate, kung halimbawang manligaw sa'yo si kuya, may pag-asa ba s'ya?" Tanong ng kapatid niya sa akin. "Boto naman sa'yo si mama kung magiging kayo ate eh," hirit pa nito.
"Hoy Paul, tigilan mo ang pang-iintriga mo, uminom ka na lang" saway niya sa kapatid, pero hindi ito nagpasaway pati ang ibang mga nandoon ay nakitukso na rin, pati bestfriend ko, mga nakainom na kasi eh. Buti walang nagkapikunan. Ni isa sa mga bisita walang nakauwi pabalik sa kanilang mga boarding houses dahil sa sobrang lakas ng ulan at kalasingan, kaya para kaming mga sardinas na nagsiksikan sa pagtulog. Lima kaming umukopa ng banig, ako, siya, kapatid niya, si Aiza, at ang bestfriend ko. Napapagitnaan nila ako ng bestfriend ko at napapagitnaan naman si Aiza ng bestfriend ko at ni Paul. "Sue, sorry kung nasaktan kita noon..." bulong niya bago siya pumikit...
Friendster...
May bago na ulit girlfriend si "Kulas" aking napag-alaman. Hanggang ngayon nagda-dalawang isip pa rin ako kung iimbitahin ko siya o hindi na. Baka kasi may masira akong relasyon 'pag nagkataon. Maaaring napa-praning lang ako ngayon dahil sariwa pa rin sa alaala ko ang mga salita niyang binitiwan... "Napakabait mo..." hinawakan niya ang kanang kamay ko ng kaliwa niya at iniyakap naman niya ang kanyang kanang braso sa akin. "Kaya naman ikaw ang pinakamamahal ko... "
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment